Pasok sa ika-anim na puwesto sa pagsulat ng editorial at aabante sa Regional Schools Press Conference (RSPC) si Alaina Marie De Luna ng 11-Nation, habang nag-uwi naman ng kani-kaniyang parangal ang mga mamamahayag ng ‘Ang Insignia’ sa katatapos na Awarding Ceremony ng Division Schools Press Conference (DSPC) na ginanap sa St. Joseph School of Novaliches nitong Setyembre 20.
Nasungkit ng ‘Ang Insignia’ ang ika-anim na pwesto sa Overall Radio Broadcasting, samantalang isa-isang ginawaran sa magkakaibang karangalan ang mga miyembro nito na sina Jhon Christopher Beliran, ikalimang pwesto bilang Best Anchor; Mary Ann Joy Cuba, ikatlong pwesto sa Best Script Writer; Reaneth Bialza, ika-anim na pwesto bilang Best News Presenter at Kin Carem, ikapitong pwesto para sa Best Technical Application.
“Ano po, nabigla po kasi first time ko lang nagjourn sa buong buhay ko bilang estudyante tapos isinabak na ako sa competition, and at the same time nakuha ko sixth place. Sabi ko nga po kahit makasabit lang sa 10th place, pero grabe sobra pa sa hiniling ko kaya sobrang masaya po pero kinabahan po sa kung anong mangyayari sa future,” salaysay ni De Luna.
Bago pa man sumapit ang araw ng pagkilala, sinimulan ang pagbubukas ng pinto ng journalism sa pamamagitan ng Opening Ceremony ng Division Schools Press Conference 2019 na may temang, “The Responsible Journalist: An Advocate of Truth for National Unity” na isinagawa sa Caloocan City Sports Complex ganap na alas-otso ng umaga, Setyembre 4.
Naitalang humigit 40 mga paaralang nagmula sa Junior at Senior High School ng buong Lungsod ng Caloocan ang maglalaban-laban kung saan 10 mamamahayag lamang ang mapipili bawat kategorya na aarangkada sa RSPC.
Idinaos ang patimpalak para sa indibidwal na kategorya sa Bagumbong High School matapos ang Opening Ceremony, samantalang ginanap naman sa St. Joseph School of Novaliches ang paligsahan sa larangan ng Radio Broadcasting nitong Setyembre 10.
Sa kabila nito, nagsisilbing inspirasyon at pagsubok ang kompetisyong ito upang malinang at mapaunlad pa ang kasanayan ng bawat mamamahayag na nakilahok dito sapagkat pinaparating ng tema na ang responsableng mamamahayag, totoo at tapat.