Ginanap sa kaunaha-unahang pagkakataon sa Cielito Zamora High School-I (SHS) ang Division Learning Action Council (DLAC) noong Setyembre 12, upang pag-usapan ang Action Learning Cell ng mga Departmenthead ng Technology and Livelihood Education (TLE) ng Caloocan City.
Dumalo sa nasabing aktibidad ang mga TLE Departmenthead ng bawat paaralan mula sa iba’t ibang cluster ng Caloocan. Nagsimula ang pagtitipon dakong alas-otso ng umaga at natapos ng alas-singko ng hapon.
Pinanguhanan ang nasabing programa ni Gng. Rosita C. Palmares at sinundan ng First Quarter Assessment of Competencies and Skills Enhancement Training sa pamumuno ni Bb. Cynthia Arellano, Public Schools Division Supervisor (PSDS).
Tinalakay dito ang iba’t ibang patimpalak na inilatag para sa gaganaping Technolympics Skills Competition 2019, sa mga kategorya tulad ng Beauty care na may limang kalahok at dalawang kalahok naman sa Dress Making sa ilalim ng Home Economics.
Para sa Industrial arts, nahahati ito sa limang uri: Furniture Cabinet Making, Electrical Installation, Agrifishery Arts, Landscaping at Piggery na paligsahan.
Kabilang din dito ang paligsahan sa Technical Drafting Autocad para sa mga mag-aaral ng Information and Communication Technology (ICT).
Isinagawa ang pagpupulong sa layon na magkaroon ng maayos na ugnayan sa bawat paaralan sa Lungsod ng Caloocan at maisakatuparan ang matagumpay na paglulunsad ng mga itinakdang patimpalak para sa Technolympics Skills Competition 2019.