Umarangkada na ang pagsisimula ng Cielito Zamora High School-I (SHS) School-based Press Conference 2019 nitong ika-28 ng Hunyo upang ihanda ang mga mamamahayag ng paaralan sa nalalapit na kompetisyon at paglilimbag ng dyaryo.
Isinagawa ang programa sa pangunguna nina Gng. Teresa Cortez, Gurong Tagapayo ng ‘Ang Insignia’ at Gng. Marian Tayamora, Gurong Tagapayo ng ‘The Insigne’.
Ibinida rito ang ‘Unfolding Ceremony’ bilang hudyat ng pagbubukas ng pinto ng pahayagan para sa mga mag-aaral na nagnanais maging isang mamamahayag at dinaluhan naman nina Bb. Angel Lyn Allones at G. Windelle Morales, Master Teacher I SHS Focal person.
“As a writer, as a student, as a citizen. It will help you to enhance your creativity,” pambungad na pananalita ni Bb. Allones upang hikayatin ang mga mag-aaral na magpunyagi sa larangan ng pagsusulat.
Dagdag pa niya, hindi lamang sa apat na sulok ng silid-aralan natatapos ang ng pagsusulat, sapagkat ito ay napauunlad sa patuloy na pagtangkilik at pagsasabuhay ng isang tao sa paglipas ng panahon.
“Huwag nating itigil ang pagsusulat,” pagbibigay diin pa ni Bb. Allones sa pagtatapos ng kaniyang pananalita na naglalayong patibayin pa ang pundasyon ng kahusayan at kakayahan ng mga mag-aaral sa larangan ng pagsulat at pamamahayag.
Samantala, nagbigay din ng mensahe si G. Morales para sa mga mamamahayag at nag-iwan ng mensahe ukol sa kahalagahan ng pagsusulat na ayon sa kaniya ay magagamit sa hinaharap at ikauunlad ng buhay ng isang tao.
Sinundan naman ito ng mga pananalita mula kina Gng. Cortez, Gng. Tayamora at G. Aaron na tumalakay sa magiging daloy ng pahayagan mula sa paghahanda sa kompetisyon at paglilimbag ng sariling dyaryo ng paaralan.
Naging tampok ang Radio Broadcasting na sasalihan sa unang pagkakataon ng mga mamamahayag. Ito ay lubos na pinaghandaan at pinaglalaanan ng panahon at dedikasyon ng buong pangkat.
Samantala, inaasahang magiging matagumpay ang daloy ng pagsasanay sa mga napiling mamamahayag upang paghandaan ang taunang Division Secondary Schools Press Conference at upang mahubog ang kasanayan ng mga mag-aaral sa larangan ng pamamahayag.